ITULOY MO LANG
hangga't may lupang malalakaran,
tubig na malalawigan, at himpapawid na liliparin.
Tuloy ang paghagilap
hanggang saan marating ang huling iglap.
ITULOY MO LANG
Habang dumadaloy pa ang tinta sa ugat
para magsulat at magpamulat.
Tuloy ang lahat na walang takot
di bale nang mapuyat.
ITULOY MO LANG
Habang naaninag pa ang liwanag
para makita ng mata.
Habang nalanghap pa ang amoy
at madatal ng dila ang lasa.
ITULOY MO LANG
kahit matalas man o purol na
ang lapis at panghiwa.
Tuloy ang pag-usisa
sa pagkaing may kwento at alaala.
ITULOY MO LANG
dahil kung malimot man ang lasa,
ang panuklas natin ang bubuhay sa dila.
Kung malimot man ng mata ang kulay at ganda;
buhayin muli ng mga kuha nating litrato,
bidyo, guhit, at pinta.
ITULOY MO LANG
kahit balang araw, limot, limutin,
o nakalimutan na mga pangalan natin.
Ang panulat mo waring nakaukit na sa bato.
Hirap na mabura mga titik at
larawang kumalat sa internet o mga limbag na libro.
ITULOY MO LANG
sabay sa pag-inog ng mundo at paglipas ng panahon.
Tatanda at lilipas din ang
katawang lupang sunugin man nila o ibabaon
ITULOY MO LANG
ang pag-ibig sa pagkaing atin
at ito naway lumawig pa at hahawa.
Kaalamang hahawi ng gutom sa pagkamulat at pag-alaala.
ITULOY MO LANG
na tila pag-ibig na isinusubo ng tunay na ama't ina.
Pagkaing nakakabusog sa tiyan, sa isip, sa diwa.
ITULOY MO LANG
habang may malay at hininga.
Buhayin ang Dila at Bandila.
Alamin ang Wika at WiKain.
Marami pa silang dapat malaman at tuklasin.
ITULOY MO LANG
ni Edgie Polistico
Unang sinulat sa Facebook 11.18.2021
Binuo muli at nilathala bilang blog 11.25.2021
